Newsroom
PATATAGIN ANG PAGKAKAISA
NG UNYON AT MGA SECTOR:
HARAPIN ANG HAMON NG GLOBALISASYON
Ang
masasamang epekto ng Globalisasyon ay patuloy na nananalanta sa
sambayanang Pilipino. Kung mayroon mang biyayang natatamo, hindi
ang mas malawak na mga sektor ang nakikinabang kundi ang mga negosyong
nakasandig sa mga kompanyang hawak ng mga dayuhang mamumuhunan.
Ito
ay nakikita natin ngayon sa malawakang tanggalan ng mga manggagawa
dahil sa pagsasara (closure) o parereorganisa at pagsasanib (restructuring
and merger) upang lumiit ang operasyon ng mga kompanya at pabrika.
Ginagawang batayan ang mas mababang pasahod sa ibang bansa kaya’t
lumilipat doon ang mga empresa. Dito, malinaw ang pagkilos ng sistemang
kapitalismo kung saan uhaw at pagkagahaman ng kapitalista sa tubo
at kapangyarihang pampulitika ang namamayani. Ito ang pundasyon
ng globalisasyon. Ito ang dahilan kung kaya’t may digmaan
at terorismo. Kayang-kayang isakripisyo ang kapakanan ng mga manggagawa
at ng kanilang pamilya.
Ang
ganitong kaayusan ay gumagapang din sa ibang mga sektor. Sa kabila
na ang Pilipinas ay isang bansang agrikultural, ang industria ng
agrikultura ay namamatay dahil sa pagbababa ng presyo ng gulay,
karne at iba pang produktong agrikultural nang tanggalin ang taripa
ng mga produktong ito. Pinalalala pa ito ng di makontrol na smuggling.
Kayat kalakip ng kamatayang ito ang pagkamatay ng mga magsasaka
at mangingisda dahil sa gutom at kahirapan, o dili kaya sa militarisasyon
ng kanayunan kapag ipinagtatanggol nila ang kanilang mga karapatan.
Dahil
sa pagkakasalanta sa mga haliging ito ng ekonomiya-ang mga manggagawa
at mga magsasaka, di maikukubli ang lumalawak na kahirapan ng ating
mga mamamayan sa kabila ng mga “poverty alleviation programs”
at mga “safety nets” ng gobyerno na ginugugulan ng bilyun-bilyong
piso.
Ang
Federation of Free Workers ay nagsisikap na baguhin ang kanyang
sarili, mula sa isang tradisyonal na pag-uunyon na tumutugon lamang
sa mga usaping pamplanta at pabrika, tungo sa isang kilusang panlipunan
na tutugon din sa mga usapin ng iba pang mga sektor: magsasaka at
mangingisda, kababaihan, kabataan, katandaan at mga bata, OFWs at
mga nasa Informal sector at mga komunidad. Lahat tayo ay mga manggagawa
na may dignidad at karapatan. Sa ngayon, ang FFW ay kumikilos sa
pag-oorganisa at pakiki-ugnay sa iba’t ibang sektor.
Ang
FFW ay patuloy sa paghahain sa pamahalaan ng mga panukalang pagbabago
sa mga batas at sistema upang higit na mapaunlad ang kalagayan ng
mga manggagawa at ng mga sektor. Lalahok din sa party-list election
ang FFW upang magkaroon ng tinig ang mga sektor sa Kongreso.
Ang
FFW ay nakikiisa at katulong ng mga iba pang mga pederasyon sa Rehiyon
ng Asya at sa Pandaigdigan, sa pagtuligsa sa masasamang epekto ng
Globalisasyon. Kinikilala ng FFW na ang pagharap sa hamon ng Globalisasyon
ay nangangailangan ng pandaidigang patugon.
Sa
pamamagitan ng pagpapatatag ng pagkakaisa ng unyon at mga sektor,
higit nating maigigiit ang ating mga panawagan:
- Ipagtanggol
ang kabuhayan: trabaho, makatuwirang sahod at mga benepisyo. Tigilan
ang di-makatarungang kontraktwalisasyon.
-
Ipaglaban ang karapatan sa pag-uunyon at pag-oorganisa, ibalik
ang mga tinanggal sa trabaho dahil sa pag-uunyon, itigil ang harassment
-
Pabilisin ang pagdesisyon sa mga kasong sangkot ang mga manggagawa.
-
Gawing Unfair Labor Practice ang paglabag sa Collective Bargaining
Agreement
-
Ipatupad ang tunay na reporma sa lupang pansakahan at sa kalunsuran
para sa disenteng paninirahan.
-
Rebisahin ang mga patakarang ipinapatupad ng Pilipinas tungkol
sa globalisasyon at labanan ang mga masamang epekto nito.
-
Ipasà ang mga panukalang batas na naglalayong wakasan ang
child labor.
MABUHAY
ANG MALAYANG MANGGAGAWA!!!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!!!
Araw
ng Paggawa, Mayo 1, 20
Back
to NEWSROOM page |