Manggagawa,
gampanan ang makasaysayang papel!
Nananatili ang kabuluhan ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa lalo’t
nataon na naman ito sa isa pang pambansang halalan. Umaasa ang
manggagawa na kahit man lang sa araw na ito ay tatalakayin ng
mga kandidato ang usaping pang-manggagawa. Harinawa magkagayun
sa kabila ng nakasanayan nilang siraan laban sa isa’t isa.
Wala na kasi tayong pagkakataong marinig ang masasabi nila hinggil
sa mga isyu dahil di nila dinadaluhan ang mga debate’t talakayang
pampubliko. Mangangapa na lang tayo sa kung sino ang maka-manggagawa.
Mahirap itong gawin, lalo’t ang kanilang mga nagawa o di
nagawa para sa manggagawa ay salat.
Ayon
sa Department of Labor and Employment, higit isang milyong trabaho
ang nalilikha taun-taon sa nakaraang tatlong taon. Kung ilan sa
mga ito ang disente ay di natin matanto. Gayunpaman, umabot pa
rin ng 11 porsyento o 3.9 milyon Pilipino ang walang trabaho noong
unang bahagi ng taon.
Ang
underemployment ay lumago rin sa 17.5 porsyento, kumpara sa 16.1
porsyento noong isang taon. Di rin malinaw kung may sasalo sa
300,000 estudyante na nagsipagtapos sa pag-aaral.
Lumalala
ang kalagayan ng manggagawa bunsod ng kontraktwalisasyon na nagkakait
sa kanila ng katiyakan sa trabaho. Ayon sa pagsasaliksik ng FFW,
mahigit kumulang 16 porsyento ng mga manggagawa sa bawat kompanya
ay mula sa manpower agencies. Ito ang nakahahadlang sa kanilang
regularisasyon at nagpapahina sa karapatang mag-organisa at mag-unyon.
Dagdag
pa rito ang hinihinalang pagkalustay ng pondo ng mga ahensyang
nagbibigay ng social protection sa mangagawa at kanyang pamilya
tulad ng SSS, GSIS atbp. Ang kaligtasan at kalusugan din sa loob
ng pagawaan at opisina ay salat, kaya’t malayong makamtan
ang disenteng trabaho.
Nirereklamo
ng mga mamumuhunan ang tila paiba-ibang patakarang pang-ekonomiya
habang patuloy ang kaguluhang pampulitika. Nakakahiya rin ang
inilathala ng Transparency International hinggil sa lumalaganap
na katiwalian sa gobyerno at ang travel ban ng ilang bansa laban
sa Pilipinas dala ng bantang terorismo, na sumalanta sa turismo
at trabaho sa sektor ng serbisyo. Ilang trabaho ang nawawala dahil
dito.
Sa
kabila ng walang habas na globalisasyon at walang patid na liberalisasyon
na nagbabawas ng trabaho, nagpapababa ng sahod, nagpapalubha sa
kondisyon sa paggawa at nagwawasak ng katiyakan sa trabaho, tayo
ay mananatiling nakatindig, anumang unos.
Bilang
unyon, tulungan natin ang ating sarili at makipag-kapatiran sa
mga sektor na kasama natin sa trade union-social movement. Simple
man ang nasimulan ng FFW, kongkreto at maipagmamalaki ang tulong
na naibigay nito sa kanyang kasapian tulad ng paghahanap at pagbibigay
ng trabaho, edukasyon at pagsasanay at tulong sa negosyo.
Wala
tayong maaasahan kundi ang pinagsama-sama nating lakas upang makabangon
at magkaroon ng pag-asa. May halalan man o wala, o sa kabila ng
halalan, pamunuan natin ang mga gawain at itaguyod ang mga adhikaing
makatutulong sa ating ka-uri at sambayanan, samantalang pananagutin
ang pamahalaan sa mga pagkukulang nito.
Ang
hamon ay ipagpapatuloy ang pakikibaka para sa karapatang mag-organisa
at pagharap sa employer tungo sa makabuluhang negosasyon.
Sa
kabila nito, ating tanganan ang ating kinabukasan at gampanan
ang tungkulin sa kasaysayan bilang tagapaglikha ng yaman ng bansa
at tagapamandila ng katarungang panlipunan at kalayaan.
Federation
of Free Workers (FFW)
Mayo 1, 2004