Newsroom
Malayo
pa ang Gloria sa mga
Manggagawa at Sambayanan

Sa pagbubukas
ng Kongreso sa Hulyo 22, ipapahayag ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
ang ikalawang State of the Nation Address o SONA sa kanyang panunungkulan.
Ang Federation of Free Workers ay hindi nananawagan sa pagpapatalsik
sa Pangulong GMA, kundi nakikiisa sa sambayanang Pilipino sa pagsusuri
kung natupad ng Pangulong GMA ang kanyang mga pangako noong nakaraang
SONA, at ipahayag -- bilang bahagi ng sektor ng paggawa -- ang kanyang
karaingan at pananaw tungkol sa kalagayan ng ating bansa.
Sa
larangan ng ekonomiya, ipinangako ng Pangulo na pauunlarin niya
ang kabuhayan sa pamamagitan ng pamamahagi ng libo-libong bahay
sa mahihirap, libo-libong ektarya ng lupa sa mga magsasaka, at libo-libong
trabaho para sa mga mamamayan. Tiyak na sasabihin niyang ito ay
natupad.
Subalit
ang lahat ng ito ay pinabubulaanan ng mga surveys mula sa Social
Weather Stations, Pulse Asia at ng Ibon Databank Foundation. Patuloy
ang pagtaas ng halaga ng bilihin, kuryente, tubig, gamot at hospitalisasyon,
tuition fee at mga buwis. Ang pagprotesta ng mga mamamayan sa Purchased
Power Adjustment o PPA ay nagbulgar sa maanomalyang mga transaksyon
ng gobyerno na ngayon ay bumibiktima sa sambayanan. Dahil sa ito
ay di-makatarungan, dapat lamang na ito ay ibasura.
Higit sa lahat, bagama't kitang-kita na ang masamang epekto ng Globalisasyon
sa ekonomiya at mamamayan, patuloy pa rin ang pamahalang GMA sa
tahasang pagsuporta sa mga patakaran nito samantalang ang mga ipinangangalandakang
"safety nets" ay wala palang kabuluhan. Ang karanasan
ng FFW sa National Steel Corporation, Jardine Davies, Goya, Reynolds,
at iba pang kompanya ay nagpapatunay na ang globalisasyon ay pabor
lamang sa pangunahing interes ng mga kapitalista at mga dayuhan.
Sa
larangan ng pulitika, gagawin daw mas epektibo ang paglilingkod
ng gobyerno, aalisin ang graft and corruption, ititigil ang kidnapping,
illegal gambling, illegal drugs at shabu at isusulong ang bagong
pulitika. Tiyak na sasabihin din niyang ito ay natupad.
Kamakailan
lamang ay nasaksihan natin na ang mga pangakong ito ay napako. Ang
Ambassador mismo ng Amerika ang nagsabi ng talamak ang graft and
corruption bagamat matagal na nating sinasabi ito. Maliban sa kaso
ng dating Pangulong Joseph Estrada na napatalsik ng sambayanan,
wala pang malalaking isda na nakulong dahil sa graft and corruption.
Ilang kaso ng mga manggagawa at mga unyon ang nakabinbin sa Korte
Suprema, Court of Appeals at NLRC dahil sa mabagal na proseso. Patuloy
ang kidnapping, panghohold-up at mga ilegal na gawain sa kabila
ng palabas na rigodon ng mga matatas na opisyales ng militar at
kapulisan. Nakaka-alarma ang pagtaas ng bilang ng mga pinatay na
mga lider mamamayan sa mga kanayunan at iba pang pag-labag sa karapatang
pantao. Ang kanyang pagbibigay pabor sa pinagkakautangang-loob sa
EDSA 2 at ang pakikisayaw sa mga political butterflies ay nagpapakita
na siya ay bahagi pa rin ng bulok at lumang sistemang pulitikal.
Ang
Federation of Free Workers ay naniniwala at nagsisikap na itatag
ang isang ekonomiyang mayroong makatarungan, maayos, at responsableng
pagmamay-ari, pamamahala, pamamahagi at paggamit ng mga sangkap
ng produksyon. Naniniwala rin ito sa pulitikang may paggalang sa
kalayaan at karapatang pantao, may pakikibahagi ng lahat ng sektor
sa pamamahala, malayang kilusang paggawa at sa matapat, marangal
na pamamahala, at may mga institusyong nagtataguyod sa katarungan
at kapayapaan, kaunlaran at kasaganaan, kalayaan at demokrasya (FFW
Constitution, Art. VII, Sec. 17 a at b)
Ang Federation of Free Workers ay patuloy na sumusuporta sa mga
ginagawa ng pamahalaan upang marating ang magandang bukas para sa
ating bayan. Sa kasamaang palad, malayo pa ang gloria para sa mga
manggagawa at sambayanan pagkatapos ng ng isang taon at kalahating
pamamahala ni Pangulong GMA.
Sa
pagbubukas ng Kongreso, nais din ng FFW na ihain ang kaniyang Legislative
Agenda:
Ibasura
ang kontra-manggagawa at kontra-mamamayang PPA
Isabatas
ang mga panukalang magpapalakas sa pag-uunyon. Alisin ang burukratismo
sa pagpaparehistro ng mga unyon at CBA
Ipaglaban
ang Living Wage, Job Security, Social Insurance at Social Protection
Schemes
Wakasan
ang karahasan at pagsasamantala sa mga kababaihan at bata sa lahat
ng uri ng paggawa. Pagtibayin ang Magna Carta on Child Labor
Ipagtanggol
ang karapatan sa paggawa at mga karapatang pantao
Federation
of Free Workers
July 22, 2002
Back
to NEWSROOM page |