Federation of Free Workers
HOMEABOUT USDEPARTMENTSNEWS ROOMPUBLICATIONS and RESEARCHTRAINING RESOURCESCONTACT US
 
 
Newsroom

3 gabay para sa pagpili ng kandidato sa darating na halalan


Ang sumusunod ay mungkahing tatlong gabay: 1.Ibatay ang pagpili sa plataporma ng mga kalahok na partido o koalisyon
2.Vote Straight! para sa partido o koalisyong iyong napili. Hwag hatiin ang boto
3.Ikampanya at Suportahan ang partido o koalisyong iyong napili sa pamamagitan ng pagbibigay ng panahon at suportang pinansyal ayon sa kakayahan

Plataporma

Ang mga suliraning kinakaharap ng bansa ngayon ay nangangailangan ng pangkalahatang platporma upang ang mga ito ay matugunan. Walang sinumang kandidato, gaano man siya kahusay, ka-totoo o kasikat, ang makalulutas sa mga suliranin ng bansa kung siya ay nag-iisa. Ang pagpili kung sino at papaano pamumunuan ang bansa, ay dapat ibatay sa plataporma ng mga partido, at di sa mga personal na katangian ng mga kandidato.

Walang lipon ng mga plataporma ang sasapat upang tugunan ang lahat ng kahilingan ng mga botante. Ang pinaka makatwirang plataporma ay mag-aalay sa kanila ng mga patakaran at programang pinaka kaunti ang sakit na idudulot. Halimbawa, di makakaasa ang botante ng sapat na “social protection” nang hindi nagdadagdag ng hulog sa SSS. Gayundin, ang budget para sa libre at de-kalidad na batayang edukasyon ay nangangailangan dagdag na buwis mula sa mas maraming nagbabayad ng buwis. Ang kandidatong magmumungkahi ng madali at simpleng solusyon ay malamang na maunang bumali sa pangako niya kapag nanalo na.

Tampok sa interes ng sektor paggawa ang isyu ng “decent work and livelihood”. Ito ang susi sa pagsupil sa kahirapan at pagtataguyod ng “social integration”. Ang disenteng trabaho at kabuhayan ay di lamang magbibigay-daan sa disenteng buhay para sa manggagawa. Magbibigay rin ito ng kapangyarihan sa mga manggagawa na makibahagi sa merkado at magkaroon ng tinig sa pamamagitan ng kanilang organisasyon, sa lahat ng antas ng pagbubuo ng patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa sa loob ng pamahalaan.

Ang “decent work and livelihood” ay mapauusbong at mapananatili ng magkakaugnay na mga patakaran at programa.

Ang mga mungkahing patakaran at programa na kinakailangang bigyang-diin ng mga kalahok sa halalang pam-Pangulo ay nakasaad sa likod. Bigyan natin ng kaukulang bigat, bilang isang pederasyon ang bawat isa, at saka suriin kung nakasasapat sa ating pamantayan ang mga dinedeklarang posisyon ng mga kandidato.


Bigyan ng rating na 1-10 ang mga kandidato ayon sa sumusunod [0: Walang programa – 10: Magandang programa]

Isyu
GMA
Ping
FPJ
Sen. Roco
Bro. Eddie
  • Pagbabago sa Saligang Batas – paglilipat sa “unicameral parliament”, federal system of government
         
  • Pagpapalago ng “investments”, pangunahin na ang small and medium enterprises, nang hindi isinasakripisyo ang kagalingan at karapatan ng manggagawa
         
  • Suporta sa “Agriculture and Fisheries Modernization Act” at ganap na pagsasakatuparan sa “Agrarian Reform Law”
         
  • Education & Training na magpapahusay sa lakas paggawa; magpapaunlad sa mga guro at maglalaan ng dagdag na pondo para dito
         
  • Pabahay para sa lower income workers na magbibigay rin ng trabaho sa construction industry at “magpapaligaya” sa magkakabahay
         
  • Social Protection: mahigpit na ugnayan ng SSS/ GSIS, Pag-Ibig, PhilHealth para sa mas malawak na saklaw at compliance ng employers; transparency at partisipasyon sa investment ng mga kasapi
         
  • Paglaban sa katiwalian at kurakot – malinaw na patakaran na susupil sa katiwalian at parusa sa mapapatunayang nangurakot
         
  • Pagkilala sa karapatan at kagalingan ng kababaihan at bata at tugon sa isyu ng lumalaking populasyon
         
  • Globalisasyon at ang lumalaganap na liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon na nakaapekto sa kalagayan ng manggagawa
         
  • Prosesong pangkapayapaan, ang isyu ng terorismo at ang karapatang pantao
         


VOTE Straight!

Kinakailangang maiwasan ang “gridlock” (di pagbibigayan) sa pagitan ng executive at legislative branches. Nakaaangkla rin ito sa pagbabago ng pamumuno at pulitika na nakatuon sa federal na tipo ng republika, parliamentary o semi-parliamentary na porma ng gobyerno at unicameral na kongreso.

Maraming patakaran at programa ang nabibitin kapag naghangad nang magpasikat ang mga pulitiko nang walang pakundangan sa partido nito at plataporma. Layunin nitong wakasan ang mga “political butterfly” o “political prostitute”. Kadalasan, ang paghalal sa majority na nagmula sa iisang partido ay nakatutulong sa epektibo at efficient na paggawa ng batas. Ito rin ang magpupunla ng “party-politics” at magwawakas sa pasikatan o pamumuno ayon sa personalidad.

Bagamat tunay na walang partidong may monopolyo sa kabutihan o kabuktutan sa ngayon, ang pag-Vote Straight ay magtataguyod ng kolektibong responsibilidad ng partido o kapangyarihan ng koalisyong nasa poder upang ipatupad ang kanilang plataporma.

Ito rin ay magiging sukatan ng husay ng isang partido sa pagpapatupad nito ng kanilang plataporma, habang magiging madali para sa partido na disiplinahin ang mga halal na opisyal na manatili sa partido, “kapalit ng patuloy na panunungkulan o tagumpay sa susunod na halalan”. Ang prosesong ito ay magpapadali rin sa pagpipili ng ihahalal para mamuno sa bansa.


Ikampanya at suportahan ang napiling partido

Hindi sapat na gamitin ng mamamayan ang karapatang bumoto. Ang mamamayan ay dapat na maggugol ng panahon at suportang pinansyal ayon sa kaniyang kakayanan, para sa napili nyang partido para sa halalan.

Maaaring gawin ang sumusunod:
Magsagawa ng pulong pag-aaral sa mga pagawaan at komunidad upang talakayin ang gabay na ito at makapg-impluwensya sa mga botante na maghalal ayon sa gabay na ito
Pag-aralan at ikampanya ang plataporma ng pinili mong partido o koalisyon
Kumbinsihin ang ka-pamilya, ka-puso, kamag-anak at kaibigan na mag-Vote Straight para sa napiling partido o koalisyon
Bago ang halalan, mamahagi ng sample ballot na naglalaman ng listahan ng mga kandidato ng iyong partido sa pambansa at lokal na halalan
Makibahagi sa mga electoral watchdogs (tulad ng Namfrel at PPCRV) o maging election watcher ng napiling partido upang mapangalagaan ang integridad halalan at bilangan, maging ang resulta man ay di pabor sa kinilingan mong partido

VOTE WISELY!

Federation of Free Workers (FFW)
March 30, 2004

____________________________________________
Ang papel na ito ay inakda ni Tony Asper, Exec. Asst. to the FFW President for External Affairs. Ito ang unang pagkakataong inihaharap nang pormal ang papel na ito sa isang kalipunan ng FFW na magtatalakay at maaaring magmungkahi ng mga desisyon ukol dito.

 

Back to NEWSROOM page